Tuesday, September 20, 2011

Huling Gabi

Mahimbing ang pagkakahiga ng katawang nauna ng dinapuan ng antok

Walang pagsidlan ang nag-uumapaw na katahimikan

Sa buong silid na tulad niya’y kasalukuyan na ring naiidlip.

Marahang umaagos ang tubig sa katawan ng isa pang umaasa rin

Na ang umaga’y hindi darating, na ang pagsikat ng araw nawa ay mabinbin

Tulad ng pag-agos ng tubig mula sa gripo na maaaring kitlin kung ayaw mo na.

Pipi ang mga hakbang papalapit sa lunduyan ng kanilang mga pangarap

Tanging ang ingay ng kaniyang paghinga ang bumubuhay sa lalim ng gabi

Lumapat ang katawan sa tabi niyang nauna ng dinapuan ng antok.

Isangdaan at walumpu’t pitong araw ng pagkakakilanlan

Apat na buwan ng pagmamahalaang unti-unting sinasapian ng antok

Sa pagpikit ng huling dalawang matang bukas, nag-niig ang kanilang katauhan

Balat sa balat, puso sa puso, isang kaluluwa, isang pangarap

Pangarap na walang puwang sa mundong kanilang ginagalawan

Pangarap na hindi nararapat sikatan ng araw

Sapagkat ito ang pangarap sa huling gabi ng kasalanan.

Monday, September 19, 2011

Paglalayag sa Puso ng Jumeirah

Ikaw ang puso ng Jumeirah sa aking tabi

Kasabay ng mga paang bumabagtas

Sa dalampasigang walang patid sa pagyapos

Sa mga alon at araw

Saksi ang mga hubad na katawang nagsasaya sa yakap nito

Tulad din natin, sila’y umaasa

Na may magandang bukas, may magandang wakas.


Kasabay ng mga hakbang ang pagbukas mo sa damdaming

Matagal ng nahihimbing sa kama ng pag-iisa

Binasag mo ang pag-aakalang ang lahat ay nasa akin na

Na mayroon pa pala akong ibubuga, magbago

Maglayag, umindayog sa taal na tugtugin ng

Buhay at pag-ibig.


Ikaw ang aking kabiyak, kalahati ng kaluluwang

Pumiglas upang maglayag, magmahal

Mapuspos ng tuwa, magdalamhati

Ngayo’y sumasabay sa pagbagtas

Sa dalampasigan walang patid sa pagyapos

Sa sarili nitong alon at araw.


Iba man ang panahon, iba man ang pagkakataon

Dikta ng puso’y iisa, sapagkat ikaw

Ang puso ng aking kaluluwa.

Sunday, September 18, 2011

Sing Haba ng Sheikh Zayed ang Pangarap Ko

Sing haba ng Sheikh Zayed ang pangarap ko

Kakambal ang pag-unlad na ibinabandila nito

Sa magkabilang gilid, tulad ng aking mga pangarap

Nagsimula sa wala ngunit ngayo’y sintayog

Ng Emirates Towers, lalo at higit ng Burj Khalifa

Mga gusali ng Media City, Dubai Marina hanggang sa Jebel Ali

Tulad nila’y sa lupa rin ako nagmula

Putikan ang balat sa pagbungkal ng taniman

Sa tuwing sasapit ang tag-ulan.


Tulad ng mga palay sa aking bukirin, umusbong

At nahinog ang taniman sa paligid ng Sheikh Zayed

Humahalik sa araw, sing kintab ng buwan sa gabi

Dinilig ito ng pawis ng mga katawang tulad ko ri’y

Minsa’y nagbungkal ng lupa sa India, Pakistan at Bangladesh

Pawis ang kabayaran ng katuparan ng mga pangarap

Ng pamilyang iniwanan, na sana’y ang pangarap nila’y

Higit pa sa kahabaan ng Sheikh Zayed.


Langis ang nananalaytay sa kanyang kalsada

Nagpapagulong sa mabibilis na gulong ng Sheikh Zayed

Ito rin ang nagpapagulong sa aking buhay

Habang patuloy ito sa pagdaloy, gayun din ang bughaw kong dugo,

Nagbibigay pag-asa na mabubuo rin ang mga pangarap

Bago maging huli ang lahat.


Dahil gaano man kahaba nag Sheikh Zayed

Mayroon itong simula, at mayroong wakas.

Friday, September 9, 2011

Kung may umagang dumating at hindi mo ako kapiling

Kung may umagang dumating at hindi mo ako kapiling
Ngumiti ka lang tulad ng dati at mararamdaman ko ang init ng araw
Magaan na ang brasong dati‎’y‎ magdamag nagsilbi mong unan
Saksi ito sa iyong pagsiksik habang malayang dumadaloy ang hangin sa iyong paghinga
Dinig ko ang tibok ng iyong dibdib na halos kakambal ng sa akin
Iisa ang kanilang pinipintig.

Magmulat sa bagong araw at ako man ay gigising din
Tulad ng dati ramdam ko ang pagbangon ng iyong kaluluwa
Sapagkat ang diwa natin ay parang pinag-isa
Banayad ang sikat dahil nariyan ka
Bukas ang mga matang haharapin ang bagong araw
Sing linaw at sing init ng iyong mga titig.

Ibangon ang katawang nasanay sa yakap ng gabi
At dama ko na rin ang higpit ng iyong mga brasong ayaw bumitiw
Sa buong magdamag, tulad ng dati
Sa bawat pag-iinat at pagbalikwas habang nahihimbing
Kasabay mo akong pumipihit na tila alam na natin kung paano magdidikit, walang pamimilit
Ikaw ang aking kabiyak at ako naman ang sa iyo.

Damhin mo ang init ng tubig na umaagos sa iyong katawan
Na minsan din ay umagos sa akin
Sa bawat pag-indayog
Sa bawat pagtawag ng ating mga pangalan
Walang ikaw, walang ako, tayo
Sabay tayo sa pag-agos.

Kung may umagang dumating at hindi mo ako kapiling
Huwag malulumbay, wag mag-alala
Nag-iisa ang araw, ang gabi, ang hangin
Ang tubig na dumadampi sa iyo at sa akin
Iisa ang ang ating mga ngiti, ang ating mga titig
Maging ang tibok ng ating mga dibdib.